Chiz bonding sa mga anak ang pahinga

MANILA, Philippines - Sa pagtatapos ng tatlong buwang kampanya nitong Biyernes, magpapahinga muna ng ilang araw sa pulitika ang reeleksiyonistang senador Chiz Escudero upang makapiling ang kanyang mga anak.

Sa isang panayam kahapon, sinabi ni Escudero na gugugulin niya ang pagtatapos ng linggo kapiling ang kanyang mga anak, ang limang taong gulang na kambal, sina Joaquin Cruz at Maria Cecilia. Ayon sa senador, ang mga ito ang dahilan sa kung ano siya ngayon sa larangan ng serbisyo publiko.

Nagtapos sa University of the Philippines College of Law,at Georgetown University Law Center sa Washington D.C., naniniwala pa rin si Escudero na natutunan niya sa kanyang mga anak ang pinakamahahalagang leksiyon ng serbisyo publiko.

“Nakakamangha ang maaari mong matutunan sa kanila. Ang bata hindi nagsisinungaling, hindi nandaraya, hindi nagnanakaw. Palagi silang tapat at hindi nagnanais ng masama sa kapwa. Sila ang aking mga mode­lo ng integridad at katapatan,” bida ng senador.

Isinilang sina Joaquin Cruz at Maria Cecilia noong September 2007, ilang buwan lamang pagkatapos tumakbo at manalo sa Senado si Escudero ng taong ring iyon. Ayon sa kanya, sila ang nagbigay inspirasyon upang lalo pa niyang pagbutihin ang kanyang trabaho.

Sa kasalukuyang 15th Congress, pinamumunuan niya ang Committee on Justice and Human Rights kung saan ipinasa niya ang 281 panukalang lumilikha ng mga bagong korte at ang Committee on Environment and Natural Resources kung saan dininig at inaksiyunan ang lahat ng 300 panukala at mga resolusyon na idinulog dito. Pinamumunuan rin niya ang Joint Oversight Committees on Ecological Solid Waste Management Act and Clean Air Act.

 

Show comments