MANILA, Philippines - Dala umano ng kahihiyan ng Department of Justice sa pagpuga ni dating Police Sr. Supt. Cesar Mancao sa National Bureau of Investigation (NBI), pinag-aaralan na ni Justice Secretary Leila de Lima ang pagtatanggal nito sa Witness Protection Program.
Ayon kay de Lima, kailangan niyang tanggalin sa WPP si Mancao upang mapangalagaan ang integriÂdad ng ahensiya. Lalo pa aniyang nakakadagdag ng kaÂhihiyan sa pamahalaan ang mga on-cam interview kay Mancao na patuloy na nakikita sa telebisyon nguÂnit hindi matagpuan ng NBI. Dapat aniyang isipin ni Mancao na marami pang mahalagang trabaho ang NBI na dapat pagtuunan ng pansin bukod sa paghabol sa kanya.
Una nang inamin ni NBI director Nonnatus Rojas na hindi nila matunton ang kinaroroonan ni Mancao na nakikitang kinakapanayam pa ng live sa telebisyon at mga himpilan ng radyo dahil sa kawalan ng sapat na teknolohiya.
Una nang ibinunyag ni Mancao na si dating PNP chief na ngayon ay si Sen. Panfilo Lacson ang umano’y utak sa Dacer-Corbito double murder case kasama ang ilang opisyal at tauhan ng binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force o PAOCTF.