Kuryente sa Pantabangan ibalik, para sa malinis na eleksyon!

MANILA, Philippines - Namememeligrong magkaroon ng “failure of election” sa Pantabangan, Nueva Ecija at mapagkaitan ang mga lokal na botante rito ng kanilang karapatan sa Mayo 13.

Ito ang babala ni Lucio Uera na kumakan­didatong alkalde sa Pantabangan dahil sa patuloy na kawalan ng kuryente sa naturang bayan.

Nabatid na walang supply ng kuryente sa Pan­tabangan mula pa noong Marso 7 dahil mu­ling nabigo ang Pantabangan Municipal Electric Services (PAMES) na pinapatakbo ng munisipyo, na bayaran ang pagkakautang nito sa First Gen Hydro Power Corporation (FGHPC).

Sa liham ni Uera, da­ting alkalde ng Pantaba­ngan at tumatakbo sa ilalim ng BALANE-UNA-NPC coalition, hiniling nito sa FGHPC na ibalik ang suplay ng kuryente kahit malaki ang pagkakautang ng munisipyo upang matiyak na magkakaroon ng malinis, mapayapa at tahimik na halalan sa Mayo 13 at upang maiwasan ang malawakang dayaan. Katunggali ni Uera sa halalan ang kasalukuyang alkalde ng Pantabangan na si Romeo Borja.

Ito na ang ikatlong beses na pinutulan ng po­ wer supply ang Pantabangan wala pang isang taon ang nakakalipas dahil sa hindi pagbabayad ng obligasyon sa FGHPC.

Sa halip na magba­yad sa FGHPC, mas pi­nili ni Borja na gumamit na lamang ng generators upang pagkunan ng supply ng kuryente sa kanilang bayan.

Sinabi naman ni Uera na mahirap umanong umasa sa lokal na pamahalaan na mag-supply ng kuryente gamit ang mga mas mahal na generators na hanggang ngayon ay nananatiling pangako.

Ang Pantabangan ay isang first class municipality na may populas­yon na 26,000 at may average income na halos P55 milyon kada taon.

 

Show comments