MANILA, Philippines - Sinalubong ng protesta ng libu-libong manggagawa ang paggunita ng ika-111 taon ng Labor Day o ‘Good Job Day’ kung ituring ni Pangulong Aquino, kahapon sa Mendiola, Maynila.
Nagsimulang magdagsaan ang mga kasapi ng iba’t ibang labor groups sa lugar bandang alas-9 ng umaga at kusa ring nagkalasan pasado alas-12 ng tanghali.
Kabilang sa mga grupong dumalo sa selebrasyon ng Labor Day ang Kabataan, Anakbayan, Kilusang Mayo Uno, Gabriela, Federation of Free Workers, Sanlakas, Trade Union Congress of the Philippines at iba pang progresibong grupo.
Gaya ng inaasahan, naging pangunahing panawagan ng mga manggagawa sa pamahalaan ang umento sa sahod, pagbaba sa presyo ng mga pangunahing bilihin at ang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, gayundin ang pagtapyas sa halaga ng supply ng elektrisidad.
Hindi naman pinalampas ng ilang pulitiko ang pagkakataon matapos na bumisita sa lugar ang ilang kandidato na kinabibilangan nina dating kongresista Risa Hontiveros, Sen. Alan Cayetano, JV Ejercito at JIL leader, Bro. Eddie Villanueva.
Nagkaroon din ng signing of covenant sa pagitan ng mga kinatawan ng mga labor groups at mga bisitang pulitiko na magsusulong sa kapakanan ng mga maliliit na manggagawa.
Sa panig ng mga awtoridad, umaabot sa 3,332 anti-riot police ang pinakalat upang magmantine ng kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Nabatid na ang mga demonstrador ay nagtipon sa Chino Roces Bridge, Liwasang Bonifacio, Mabuhay Rotonda, Bonifacio Monument, Plaza Salamanca sa Ermita, Manila; at sa may monumento ni Ninoy Aquino sa Makati City na nilahukan ng nasa 5,000 raliyista na nagsagawa ng programa sa naturang mga lugar.
Sa kabila ng mga kilos protesta, naging mapayapa sa pangkalahatan ang paggunita kahapon sa Araw ng Paggawa sa buong bansa.