Jamby inendorso ni Ping

MANILA, Philippines - Tahasan nang iniendorso ni Senador Panfilo Lacson ang kandidatura ni Jamby Madrigal sa pagka-senador na nagpapahiwatig na nagkabati na silang dalawa.

Kasabay nito, sinabi ni Lacson na kailangang maipagpatuloy sa Senado ang mga naumpisahan niyang krusada para mabuwag ang katiwalian sa pamahalaan.

“Sabay kaming naki­paglaban sa katiwalian sa pagganap namin sa aming tungkulin bilang senador, ibinunyag namin ang mga katiwalian sa pamahalaan nang walang takot o kinikili­ngan kaya kailangan natin ng isang Jamby sa Senado,” patungkol ni Lacson kay Madrigal na naghahangad na makabalik muli sa Senado.

Nananawagan din si Lacson sa kanyang mga tagasuporta na itaguyod ang kandidatura ni Madrigal upang maipagpatuloy sa Mataas na Kapulu­ngan ang pagbabantay sa mga tiwaling gawi ng mga opisyal ng pamahalaan. Patapos na ngayon ang termino ni Lacson sa Senado.

Sa kanilang pagsasama bilang miyembro ng Mataas na Kapulu­ngan ng Kongreso, sina Lacson at Madrigal ay parehong tumutok sa pagbantay sa mga katiwalian sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, kung saan isa lamang sa mga nabisto nila ay ang sobrang taas na presyo ng mga x-ray machines sa Bureau of Customs sa panahon ng Arroyo administration.

Show comments