MANILA, Philippines - Pinasesertipikahan bilang urgent kay Pangulong Noynoy Aquino ang panukalang batas na nagbibigay tulong para sa mga solo parents na nagtataguyod ng kanilang pamilya.
Ito ay kasunod ng panawagan ng nasa 20,000 single parents sa bansa na ipasa na ang batas matapos ang ginawang paggunita sa National Solo Parents Day noong Linggo.
Ayon sa Vice Chairperson ng House Committee on the Welfare of Children at Bagong Henerasyon partylist Rep. Bernadette Herrera Dy, makakatulong sa mga solo parents sa buong bansa ang nasabing panukala kung maipapasa na sa susunod na Kongreso.
Layunin din umano ng panukala na makapagbigay ng karagdagang education benefits o scholarships sa mga anak ng mga single parents, diskuwento sa ilang produkto, pabahay, comprehensive package of social benefits, flexible work schedule at parental leave.
Magbibigay gaan din ang nasabing panukala sa may 14 milyon solo parents mula sa nagsosolong nagtataguyod ng kanilang mga anak kaya umapela si Herrera-Dy sa Pangulo na sertipikahan na ito bilang priority bill sa 16th Congress.
Ang nasabing panukalang batas ay pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara subalit natengga naman ito sa Senado.