MANILA, Philippines - Nakalipat na sa kanilang bagong bahay ang maraming informal settler families (ISFs) sa Parañaque City, bunga ng patuloy na pagpapatupad ng socialized housing program ng City Government.
Ayon kay Parañaque Mayor Jun Bernabe, pinakahuli ang mga pamilya mula sa Kay Buboy Bridge sa Barangay San Dionisio sa mga nakalipat sa kanilang bagong bahay sa resettlement site sa Barangay Aguado, Trece Martirez City, Cavite.
Ang nasabing relokasyon ay bahagi ng paglalayon ng national government na mailikas sa mas ligtas at malinis na lugar ang mga pamilya na ang bahay na nasa mapaÂnganib na lugar tulad ng tabi ng mga kanal, riverbanks at dagat, at maging sa ilalim ng mga tulay at sa gilid ng mga riles ng tren at airport.
Sinabi ni Mayor Bernabe na ang mga bagong bahay ay ipinatayo ng National Housing Authority gamit ang P10 billion annual allocation ni Pangulong Benigno S. Aquino para sa mga pamilyang apektado ng isinasagawang relokasyon ng pamahalaan.
Sa nasabing programa aniya ay babayaran ng bawat benepisyaryo ang kanyang bahay sa loob ng 30 taon, kung saan P200 kada buwan sa umpisa.
Kabalikat ng national government sa pagpapatupad ng housing program ang Parañaque Urban Mission Area Development Office and City Local Housing Development Office sa ilalim ng Parañaque Housing Board.