‘Hitman’ ng Tinga Drug group laglag

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang napilayan na ang Tinga Drug Syndicate matapos na masakote ng Station Anti-Illegal Drugs Special Ope­rations Task Force ang umano’y hitman ng grupo sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Carlito Calpatura ng Makati Regional Trial Court Branch 145 kaugnay sa kinakaharap nitong kasong murder noong madaling araw ng April 20 sa Brgy. Ususan Taguig City.

Kinilala ni Sr. Supt. Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig Police ang suspect na si Ienrev Gines y Delos Santos alyas Revo, 21, na sinasabing body guard at hitman umano ng isa sa mga pangunahing perso­nalidad ng grupo.

Sinabi ni Asis na pipilitin nilang arestuhin ang nalalabi pang mga galamay ng nasabing sindikato at gawing ligtas ang mga komunidad ng Taguig laban sa ipinagbabawal na gamot.

Ayon kay Asis, noong Pebrero ay nakaaresto sila ng walo katao sa isang drug den sa Taguig na kinabibilangan nina Joana at Henry Tinga.

Noong nagdaang taon ay nalambat ng Taguig Police sa isang buy-bust operation si Elisa Tinga na maybahay ni Noel Tinga na kabilang sa target list ng pulisya dahil sa pagtutulak ng droga.

Patung-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ni Gines kabilang ang possession of dangerous drugs at illegal possession of firearms kaugnay sa Omnibus Election Code.

Nasamsam sa suspek ang dalawang sachet ng shabu, isang fragmentation hand grenade, isang .45 caliber handgun at isang magasin na may walong bala.

 

Show comments