MANILA, Philippines - Pinipilit pa rin umano ng mga Arroyo na madagdagan ang kanilang mangilan-ngilan na lamang na kaalyado sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang isulong ang Constituent Asembly.
Sa mga impormasyong naglalabasan ngayon, kabilang sa mga sinusuportahan ng kampo ng nakakulong na Pampanga Congressman at dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay ang dating Manila 6th District Congressman na si Benny Abante.
Base sa mga rekord sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, si Abante ay kabilang sa mga unang sumuporta sa noon ay tangkang pagbabago ng Arroyo Administration sa Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly upang mapahaba pa ang termino nito.
Sinasabing nagkaroon ng karagdagang P20 milyon na pork barrel ang bawat isang kongresista na bumoto para sa Con-Ass kabilang na si Abante.
Sa obserbasyon naman ng mga nasa panig ng ruling Liberal Party, kung makakaya ng mga Arroyo na makapagpanalo ng maraming kapanalig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay hindi malayong muling kumilos ito na baluktutin ang batas at sapilitang isulong ang pagbabago sa Konstitusyon, matakasan lamang ang mga kasong kinakaharap.
Hanggang sa ngayon, maugong ang balita sa naturang distrito sa lunsod ng Maynila na si Abante ay binubuhusan pa rin ng suporta ng mga Arroyo para manalo ito ay madagdagan ang puwersa nila na magmamaniobra sa Kamara.