MANILA, Philippines - Nasilat ng mga alertong security aide ang planong landmine attack ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) laban sa convoy ng mayoralty candidate ng Loreto, Agusan del Sur kamakalawa.
Sa ulat, sinabi ni Caraga PNP spokesman P/Supt. Martin Gamba, bandang alas-10 ng umaga nang marekober ang improvised explosive device (IED) sa bisinidad ng Barangay Sto. Tomas.
Ang nasabing bomba ay nadiskubre ng dalawang sibilyang aide ni Loreto mayoÂralty candidate Dario Otaza habang nagsasagawa ng clearing operation sa lugar na daraanan ng kanilang aspirante.
Agad namang ruÂmesponde ang mga operatiba ng pulisya, 14th Special Action Company at ang Army’s 26th Infantry Battalion sa kinatagpuan ng landmine na itinanim ng mga rebelde.
Nabatid na ang narekober na bomÂba ay sinangkapan ng 2 ¾ ng pulbura, PVC housing na may lever at push button switch, energizer batteries, blasting camp at 87.5 metro ng electrical wiring.
Pinaniniwalaang si Otaza ang target ng landmine attack dahil sa pagtanggi nitong magbayad ng permit to campain (PTC) fees na iniimplementa ng NPA.