MANILA, Philippines - May 168 atletang estudyante na kalahok sa Palarong Pambansa 2013 ang isinugod sa ospital sa Dumaguete City, ÂNegros Oriental matapos na tamaan ng diarrhea sa ininom na juice habang naghahanda sa gaganaping sports event ng Department of Education kahapon.
Ayon kay Office of Civil Defense Region 7 director Minda Morante, ang mga biktima na pawang mga taga Tacloban sa Region 8 nakaranas ng pananakit ng tiyan at pagtatae.
Sa inisyal na pagsusuri, lumilitaw na ang binili at ininom na juice ang dahilan ng pagtatae o pagkakaroon ng diarrhea ng mga atleta. Iniimbestigahan na rin ang tubig o yelo inihalo sa juice na maaring pinagmulan ng diarrhea.
Sa huling ulat, 11 na lamang umano ang isinasailalim sa obserbasyon sa Negros Occidental provincial hospital.
Alas-3:30 ng hapon kamakalawa ng buksan ang Palaro kung saan mahigit 8,000 atleta mula sa 17 rehiyon ng bansa ang magtatagisan sa iba’t ibang sports competition na taunang events ng DepEd.
Iniutos na ni Education Sec. Armin Luistro na imbestigahan ang insidente kasabay ng babala na huwag bumili ng pagkain sa mga ambulant vendor na nagkalat sa kalye malapit sa ginaganapan ng Palaro.
Pinag-aaralan na rin ng DepEd kung papaglaruin pa ang mga atleta na tinamaan ng nasabing sakit o papauwiin na lamang ang mga ito.
Ang Palaro ay magtatagal ng isang linggo o hanggang April 27.