Loren tinawag na ‘political butterfly’

MANILA, Philippines - Bagamat at matagal ng panahon ang nakakaraan, ginagawang isyu pa rin ngayon laban kay Senator Loren Legarda ang pagpapalipat-lipat niya ng partido.

Naniniwala ang ilang political analyst na ang pagturing kay Legarda bilang “political buttefly” ang naging dahilan kung bakit hindi nito nasungkit ang posisyon bilang bise presidente ng bansa.

Dalawang beses nang nag-top sa senatorial election si Sen. Loren Legarda, una noong 1998 at 2007 sa mahigit na P18M boto pero nabigo pa rin ang senador na masungkit ang Vice Presidency post sa dalawang pagkakataon noong 2004 at 2010.

Ayon kay political analyst Mon Casiple, ang biglaang pagpapalit ni Legarda ng partido sa tuwing sasabak sya sa presidential election ang dahilan umano kung bakit hindi siya nanalong vice president.

Pero ilang beses na ring pinanindigan ni Legarda na nadaya siya lalo na ng makalaban si dating Vice President Noli de Castro kaya hindi siya nanalo.

Sinabi naman ni Casiple na matured na ang mga Pinoy voters at alam nila kung for convenience lang at fund advantage ang biglaang shift o pagpapalit ng partido.

Taong 1998 ng sumabak sa pulitika si Legarda kung saan umanib ito sa Lakas-NUCD at nanguna sa senatorial polls. 

Noong 2001 ay naging kritiko ang senadora ni dating Pangulong Joseph Estrada sa kasagsagan ng impeachment trial nito at pagpapatalsik sa pwesto pero tumakbo pa rin si Legarda bilang Bise Presidente ng matalik na kaibigan ni Estrada na si yumaong Fernando Poe Jr. noong 2004 presidential polls.

Taong 2007 tumakbo muli sa Senado si Legarda at mula sa Lakas ay lumipat sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) kung saan muling nanguna sa senatorial race sa ikalawang pagkakataon at noong 2010 ay tumakbo itong muli sa Vice Presidency at nakipag-alyansa kay Sen. Manny Villar sa ilalim naman ng Nacionalista Party.

Ang pagpalipat-lipat ng partido o alyansa ni Legarda sa 13 taon nito sa pulitika ang syang nagbigay daan para bansagan ito bilang “political butterfly”.

 

Show comments