MANILA, Philippines - Todo higpit ang seguridad sa lahat ng terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos bombahin ng mga hindi pa kilalang grupo ang Boston Marathon sa Estados Unidos na ikinamatay ng tatlo katao at mahigit 100 ang sugatan.
Sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) Assistant General Manager for Emergency and Security retired General Salvador Penaflor, nagpalabas na sila ng memorandum sa lahat ng ahensiya ng gobyerno at airlines na maging 24/7 alerto dahil sa nangyari sa Boston.
Ayon kay Penaflor, pansamantalang hihigpitan ang pagbibigay ng mga access pass sa mga pumapasok sa airport, paiigtingin ang landside security checkpoint, pagkalat ng mga airport police at PNP sa mga paliparan para sa security visibility.
Nagpakalat na rin ng bomb sniffing dogs sa mga sensitibong lugar sa paliparan at ang paghihigpit sa crowd control measures.