MANILA, Philippines - Nakatakdang magÂlatag ang Philippine National Police (PNP) ng security plan sa mga ginaganap na marathon sa Pilipinas partikular na sa Metro Manila upang tiyakin ang kaligtasan ng mga kalahok nito.
Ito’y upang matiyak na hindi magaganap sa bansa ang madugong pambobomba sa Boston, Massachusettes na kumitil ng 3 katao habang tumaas na sa 176 ang sugatan sa ‘terror act’ sa Estados Unidos noong Lunes ng gabi.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr, pabor sila na dapat munang maipakita ng mga organizer ng mga fun run at marathon ang kanilang security layout.
Ginawa ng opisyal ang pahayag kasunod naman ng paglalabas ng panuntunan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na huwag bigyan ng clearance ang mga organizer ng mga fun run at marathon na mabibigong kumonsulta sa PNP para sa security layout nito.
Sa ganitong paraan, ayon pa kay Cerbo mas makapagrerekomenda sila ng nararapat na uri ng seguridad na dapat ipatupad sa mga fun run at marathon na karaniwan ng isinasagawa sa Metro Manila linggu-linggo.
Nakapaloob rin sa security plan kung ilang pulis ang ipakakalat ng PNP para sa pinalakas na police visibility