MANILA, Philippines - Inireklamo ng PhiÂlippine National Police (PNP) Safety Batallion ng Region 4-A sa Department of Justice (DOJ) si City Prosecutor Crisostomo Dario Jr. ng Trece Martirez City, Cavite.
Sa 5-pahinang administrative complaint, si Dario ay inaakusahan ng PNP Regional Safety Battalion 4-A na kinakatawan ni Inspector Stefanio Andrenicus Abaca Rabino ng ‘oppression, misconduct, refusal to perform official duty, inefficiency and incomptence in the performance of official duties’.
Nag-ugat ang reklamo nang magpalabas ang nasabing piskal ng release order kaugnay ng mga naarestong armadong lalaki na naka-engkwentro ng mga pulis sa Trece Martirez.
Sa kanyang kautusan matapos ang isinagawang inquest proceedings, tinukoy ni Dario na walang probable cause para sampahan ng kaso sa korte ang mga suspect.
Ang engkwentro ay naganap noong Abril 6, 2013 nang tangkain ng pinagsanib na pwersa ng PNP Regional Safety Batallion Cavite, Calabarzon Police at SWAT team na isilbi ang search warrant sa bahay ng isang Raymond Eguillos sa Brgy Cabuco, sa Trece Martirez.
Nagresulta naman ang engkwentro sa pagkasuÂgat ng ilang tauhan ng PNP at pagkaaresto ng anim na suspek at pagkakumpiska ng mga gamit nilang baril at bala.
Sa reklamo ng mga pulis, nagtataka sila kung bakit sa kabila ng mga ebidensya na kanilang iniharap ay ibinasura pa rin ng piskalya ang reklamo.