MANILA, Philippines - Pinangunahan ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang paglulunsad ng Flood Control and River Protection Convergence Project ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa Sta. Cruz, Laguna kamakailan.
Ang proyekto ay alinsunod na rin sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan LLDA at Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa Flood Management sa Metro Manila at sa Laguna Lake Region.
Sinabi ni LLDA General Manager Sec. Nereus O. Acosta, na ang proyekto ay tutustusan ng P780 milyong budget para sa konstruksiyon at rehabilitasyon ng river control structures sa iba’t ibang ilog na dumadaloy sa Laguna Lake tulad ng Mabitac, Sta. Maria, Sta. Cruz, Biñan, at San Pedro Rivers sa Laguna, bilang tugon ng pamahalaan para maiwasan ang kahalintulad na pinsala na sanhi ng mga pagbaha na dulot ng ilang malalakas na bagyo at pag-ulan.
Ayon kay Acosta, ang pondo ay bahagi ng P5 bilÂyong na inaprubahan ng National Economic Development Administration (NEDA) Board, na pinamumunuan ni Pangulong Aquino.
Ang naturang halaga ay inilaan para sa Metro Manila Flood Management Master Plan na nag-establisa ng road map at nagbigay ng bisyon para sa sustainable at epektibong Flood Risk Management.
Idineklara rin ni Acosta, na siya ring Presidential Adviser for Environmental Protection, na ang LLDA ay hindi lamang isang regulatory agency.