MANILA, Philippines - Tiniyak ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom†Echiverri ang kaligtasan ng mga residente at mga bystander sa pamamagitan ng paglalagay ng bantay sa gumuhong gusali ng Gotesco Grand Central Mall sa nasabing lungsod kamakalawa ng hapon.
Kasabay nito, nagpasalamat din si Echiverri dahil walang nasaktan sa panig ng demolition team at ng mga bystander sa Rizal Avenue Extension matapos na gumuho ang ikalawang bahagi ng Gotesco Grand Central Mall na una nang nasunog mahigit isang taon na ang nakalilipas.
Agad namang nagtuÂngo sa gumuhong mall si Echiverri kasama ng mga city building officials at city engineering office pasado alas singko kamakalawa ng hapon kung saan ay tiniyak nito ang kaligtasan ng demolition team at mga bystander.
Ayon kay Echiverri, noong Marso 16, 2012 ay nasunog ang Gotesco Grand Central Mall at agad na nag-aplay ng demolition permit ang management ng mall ngunit mahigpit itong tinutulan ng city government dahil kinakailangang ayusin muna ng mga ito ang kanilang mga obligasyon sa lungsod.
Nang mag-inspection naman ang mga kawani ng city hall sa gusali ay nakita ng mga ito na may mataas na bahagi ng pader na delikado na kaya’t napilitan ang city government na bigyan ng permit to demolish ang pamunuan ng Gotesco Grand Central Mall.
May palagay naman ang alkalde na malaki ang naging epekto ng naganap na lindol kamakailan sa pagguho ng ikalawang bahagi ng Gotesco Grand Central bagama’t patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagguho.