PAGCOR nag-donate ng P2B sa DepEd classrooms

MANILA, Philippines - Nagkaloob ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Department of Education (DepEd) ng karagdagang P2 bilyong pondo para sa pagtatayo ng libong mga silid-aralan sa iba’t ibang panig ng bansa. 

Ito ay makaraang isagawa ang paglagda sa memorandum of agreement at ceremonial turn-over sa Maynila na sinaksihan nina PAGCOR Chairman at CEO Cristino Naguiat Jr., DepEd Secretary Armin Luistro at Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio L. Singson.

Ang pagpapatayo ng mga silid-aralan ay nasimulan ng PAGCOR noong Hunyo 30, 2011 sa ilalim ng “Matuwid na Daan sa Silid Aralan Project “ alinsunod sa kautusan ni Pangulong Noynoy Aquino upang matugunan ang kakulangan sa silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Una nang nakapagbigay ang  PAGCor ng P1 bilyon para sa 1,000 classrooms at alternative learning centers sa bansa.

Umaasa naman ni Secretary Luistro na matatapos ngayong taon ang pagtatayo ng 66,800 classrooms na una nang plinano noong 2010. 

May halagang P600,000 hanggang P650,000 ang halaga ng bawat 7x9 sq. meters na silid-aralan.

Batay sa rekord ng DepEd, 50,000 ang shortage sa silid-aralan mula noong 2012 kung saan 32,000 dito ang natapos na.

Ang Pagcor ay naglibot sa iba’t ibang panig ng bansa para tulungan ang gobyerno na mapunan ang kakulangan sa silid-aralan nationwide.

 

Show comments