MANILA, Philippines - Inilagay na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa crisis alert level 1 ang sitwasyon ng mga Pinoy sa South Korea kasunod ng deklarasyon ng North Korea na “state of warâ€.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, binigyan na ng abiso ang mga Filipino community sa South Korea na manatiling naka-heightened alert kasunod ng pagdedeklara ng state of war ng Nokor noong Sabado na pinangangambahang magiging panimula ng all-out nuclear conflict sa Korean Peninsula.
Sinabi ni Hernandez, kasado na ang contingency plans ng Embahada ng Pilipinas sa Seoul at nakaÂhanda sa anumang planong repatriation o paglilikas sa mga Pinoy kung kinakailangan.
Sa ilalim ng alert level 1, ang mga Pinoy sa tensyonadong bansa ay inilagay sa heightened alert. Ang alert level 2 ay inaabisuhan ang mga Pinoy na manatili sa loob ng kanilang bahay o umiwas sa mga lugar na may nagaganap na karahasan habang ang alert level 3 ay relokasyon o voluntary evacuation at ang pinakamataas na alarma, alert level 4 ay sapilitang paglilikas o mandatory evacuation.
Kapag tumaas ang tensyon at sumiklab muli ang kinatatakutang giyera ng magkalabang Sokor at Nokor, maaari umanong isagawa ang paglilikas sa mga Pinoy sa pamamagitan ng pagsakay ng eroplano at barko paalis sa South Korea.
Ani Hernandez, nakikipag-koordinasyon na rin ang Embahada sa United States forces na nasa Korea at United Nations Command hinggil sa security situation sa Korean Peninsula upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng tinatayang may 50,000 Pinoy sa Korea.