MANILA, Philippines - Lamang ng 14.5 porsiyentong puntos si Liberal Party (LP) gubernatorial bet Ayong Maliksi sa kanyang kalabang si Jonvic Remulla sa pagsimula ng kampanya sa lalawigan na may pinakamalaking bilang ng botante sa buong Calabarzon.
Sa StratPolls survey na isinagawa Marso 15-19, 2013 para sa provincial candidates ng Cavite, pinaboran si Maliksi sa pagka-gobernador ng 57.2 porsiyento ng 1,000 respondents mula sa 17 bayan at 6 lungsod ng lalawigan na may tinatayang 1.6 milyong botante.
Si Remulla naman ay pinili ng 42.7 porsiyento na harapang na-interbyu ng StratPolls at tinanong ng “kung ngayon gaganapin ang halalan, sino ang iboboto mo sa pagka-gobernador?
Kasamang pinulsuhan ng survey ang pagsang-ayon ng mga Kabitenyo sa performance ng mga pinakamataas na opisyal ng gobyerno kung saan nakakuha si Vice Pres. Jejomar Binay ng pinakamataas na Net Satisfaction Rating (plus 74.2%), pumangalawa si Pangulong Aquino (plus 54.8%) at pumangatlo naman si Senate Pres. Juan Ponce Enrile (plus 30%).
Sa nasabing survey bago ang pag-arangkada ng campaign period ay nagrehistro ang pagkiling kay Maliksi ng sampung bayan at tatlong lungsod at halos dikit naman sila ni Remulla sa lungsod ng Imus.
Ang 70.3 porsiyento ng sanlibong respondents ay nagsabing hindi na nila babaguhin ang kanilang piniling kandidato sa pagka-gobernador at 17.2 porsiyento naman ang nagsabing babaguhin pa nila ang kanilang sagot, samantalang 12.5 porsiyento lang ang nagpahiwatig ng “maybe†o maaari pa ring magbago ang kanilang pasiya.
Sa pagka-bise gobernador, nagrehistro naman si Lakas candidate Jolo Revilla ng lamang na 13.9 porsiyento laban sa kanyang katunggaling LP bet na si Jay Lacson.
Si Jolo, na anak ni Sen. Bong Revilla, ay nakakuha ng 52.1 porsiyento, habang si Jay, na anak naman ni Sen. Ping Lacson, ay nakakuha ng 38.2 porsiyento.
Ayon pa sa nasabing survey, mahigpit ang labanan sa provincial board kung saan pitong kandidato ng kampo ni Maliksi at pitong kandidato rin ng grupo ni Remulla ang inaasahang papasok sa 14 direct elective posts ng legislative body.
Ang Cavite ay mayroong pitong distrito at bawat distrito ay dalaÂwang bokal ang pipiliin para umupo sa Sangguniang Panlalawigan. Sa pitong distrito, ayon sa survey, pabor ang taga-distrito 3, 6 at 7 na lahat ng kanilang kinatawan sa SP ay galing sa grupo ni Maliksi.
Nangunguna naman, ayon sa StratPolls survey, ang lahat ng kandidatong bokal ng grupo ni Remulla sa distrito 1, 2 at 4, samantalang tig-isang kandidato mula sa magkalabang grupo ang angat sa laban para kinatawan sa SP ng distrito 5.