Easter message ni PNoy: ‘Bunga ng mga reporma inaani na’

MANILA, Philippines - Ipinagmalaki ni Pa­ngulong Aquino sa kanyang Easter message na inaani na ng bansa ang bunga ng mga repormang ipinatupad ng gobyerno.

Ayon sa Pangulo, mas umunlad ang bansa ng ibalik ng gobyerno sa mga mamamayan ang totoong kapangyarihan.

Sinabi pa ng Pangulo na ang pagkabuhay na magmuli ni Hesus ay sumasailalim sa pag-asa ng mga Filipino na makakabangon mula sa masamang idinulot ng korapsiyon at pagkadismaya.

“Mula nang naibalik sa mga Pilipino ang tunay na lakas ng pamahalaan, at naiwaksi ang kultura nang pagkakanya-kanya at panlalamang, nagawa nating buhatin sa landas ng kaunlaran ang ating bansa,” anang Pangulo.

Sa mga nakaraang panahon aniya ay maraming Filipino ang umalis ng bansa para maghanap ng oportunidad sa labas ng Pilipinas.

Pero sa ngayon umano ay marami na muli ang nag-iisip na bumalik ng Pilipinas dahil sa gumagandang takbo ng ekonomiya.

Ipinagmalaki rin ng Pangulo na milyon-milyong mahihirap na Filipino ang binigyan ng prayoridad ng gobyerno sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Ayon pa sa Pangulo posibleng matapos na ang 66,800 kakula­ngan sa classrooms bago matapos ang taon.

Ibinida rin nito na malapit ng maging self-sufficient at exporter ng bigas ang Pilipinas.

“Kung dati, ilang mil­yong metrikong toneladang bigas ang ina­angkat at binubulok lang sa mga bodega, ngayon, natatanaw na natin, hindi lang ang pagiging self-sufficient sa bigas kundi ang pagiging expor­ter nito,” anang Pangulo sa kanyang Easter message.

Show comments