Extradition ni Amalilio tiniyak ng Malaysian envoy

MANILA, Philippines - Tiniyak ng isang Malaysian envoy na mapapabalik sa Pilipinas ang negosyante at wanted na si Manuel Amalilio na isinasangkot sa multi-billion investment scam. 

Sa kanyang pagharap at courtesy call kay Vice President Jejomar Binay sa Coconut Palace, sinabi ni Malaysian Ambassador Dato’ Mohd Zamri Bin Mohd Kassim na maaaring ma-extradite si Amalilio, may-ari ng Aman Futures Group Phils. Inc. kahit na walang pormal na bilateral extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia.

Sinabi ni Ambassador Kassim na kailangan lamang na maisilbi ni Amalilio ang “two thirds” ng kanyang dalawang taon na sentensya o 16 buwan bago siya ma-extradite.

Si Amalilio na may Malaysian name na Mohammad Kamal Sa’ad ay kasalukuyang nakapiit sa Sabah prison matapos mahatulan ng Magistrate’s Court ng Kota Kinabalu ng dalawang taong pagkakakulong dahil sa paglabag sa immigration laws ng Malaysia matapos na mahulihan ng pekeng pasaporte. Siya ay nag-plead guilty sa paglabag sa Passport Act of 1966 ng Malaysian law na may danyos na 10,000 Malaysian ringgit at pagkakakulong ng 2-5 taon.

Hinatulan ng korte si Amalilio habang nagpapagamot at nakaratay noon sa Queen Elizabeth Hospital sa Kota Kinabalu dahil sa sakit sa atay.

Magugunita na hinarang ng Sabah Police si Amalilio na makasakay ng eroplano pabalik sa Manila at nabigo ang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na maiuwi siya sa Pilipinas noong Enero 25 dahil na rin umano sa kanyang kinakaharap na kaso sa Malaysia. 

Gayunman, sinabi noon ni Justice Sec. Leila de Lima na “authentic” o tunay ang hawak na pasaporte at birth certificate ni Amalilio na nagpapatunay na isa siyang Pinoy.

Ito ay matapos na ipagharap ng patung-patong na kaso ng syndicated estafa si Amalilio dahil sa panloloko sa may 15,000 Pinoy sa kanyang pyramiding scheme.

 

Show comments