MANILA, Philippines - Magkakasabay na pinagkumpisal sa loob ng Kampo Karingal ang mga preso at pulis ng Quezon City Police District kaugnay na rin ng paggunita sa Semana Santa.
Ang kumpisalan ay pinangunahan ni QCPD Chaplain Fr. Alexander Prado kung saan binigyan nito ng basbas at pinayuhan ang mga presong may mga kasong homicide at high profile robbery cases.
Ayon kay Fr. Pardo, nakatutuwang makita ang mga preso na sinserong nagsisisi sa kanilang kasalanan lalo ngayong mas nararamdaman ito dahil sa okasyon.
Sa chapel naman ng kampo ay boluntaryong nangumpisal ang ilan sa mga pulis, para na rin sa kanilang pakikibahagi sa okasyon at maramdaman din ang presensya ng Panginoon sa paghingi nila ng tawad sa nagawang mga kasalanan.
Kaugnay nito, handa na ang QCPD sa gaganaping Station of the Cross ngayong Semana Santa, kasabay nito ang pagbubuhat ng krus ng may 15 pulis sa Quezon City Memorial Circle.
Bukod sa 15 pulis, sasama din sa magpapasan ng krus si QCPD director Senior Supt. Richard Albano, kung saan sinabi nito na ang lahat ng tao ay may pagkakasala at sa pamamagitan ng maikling sakripisyo ay mabawasan ito.