MANILA, Philippines - Dahil sa kanyang layunin na magkaroon ng trabaho ang bawat Pilipino, naging paborito pa rin ng publiko si reelectionist Sen. Loren Legarda.
Sa katunayan, patuloy pa rin ang pagkapit nito sa No. 1 position sa pinakahuling Social Weather Station (SWS) survey na isinagawa noong Marso 15 hanggang Marso 17 na may 1,200 respondents.
Sa naturang survey, nakakuha si Legarda ng 59% habang pumangalawa sa kanya ang dating nasa paÂngatlong posisyon na si reelectionist Senator Alan Peter Cayetano na may 57%.
Nalaglag naman sa pangatlong puwesto si Senator Francis ‘Chiz’ Escudero (dating No. 2 sa likod ni Legarda) na nakakuha lamang ng 48%, katabla si San Juan Rep. Joseph Victor Ejercito-Estrada.
Si Legarda ay nauna nang naglunsad nang programang LOREN (Livelihood Opportunies to Raise Employment Nationwide) sa bawat barangay sa Luzon, Visayas, Mindanao.
Sa nasabing survey, nagtabla naman sa ika-5 hanggang ika-7 posisyon sina Nancy Binay, Cynthia Villar at reelectionist Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel na parehong may 47%.
Pang-8 naman si Sen. Antonio Trillanes IV (44%), pang-9 si Sen. Gregorio Honasan (43%), pang-10 si presidential cousin Bam Aquino (42%), pang-11 si Grace Poe-Llamanzares (40%) at pang-12 si Aurora Rep. Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara (39%).