Labor subject pinasasama sa curriculum

MANILA, Philippines - Upang magkaroon ng kaalaman ang mga estud­yante sa karapatan at benepisyo ng isang manggagawa, kaya isinusulong ng isang mambabatas sa kamara ang pagsasama ng labor subjects sa curriculum sa mga unibersidad.

Ayon kay TUCP party list Rep. Raymond De­mocrito Mendoza, importanteng magkaroon ang mga estudyante ng kaalaman sa mga karapatan nila dahil pagkatapos umanong mag-aral ng mga ito ay magiging bahagi rin sila ng labor force.

Base sa House Bill 3205 na inihain ni Mendoza, dapat isama ng Commission on Higher Education (CHED) ang labor subject sa social science curriculum sa tertiary level.

Giit pa ng mambabatas na siyang Vice-chairman ng House Committee on Labor and Employment  na tinatayang nasa 2.6 milyon college students ang naitala sa bansa at mahigit sa 1.6 milyon dito ay naka-enroll sa pribadong unibersidad at kolehiyo habang mahigit naman sa 820,000 ang nasa state universities at colleges.

Para naman kay Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, awtor ng isang kahalintulad na panukala na dapat isama sa labor education ang usapin ukol sa national at global labor situation, labor market concerns, labor issues, overseas work at kahalintulad na isyu.

 

Show comments