Pamilyang nagbabayad ng ransom hindi puwedeng sisihin

MANILA, Philippines - Hindi masisisi at hindi  mapipigilan ang pamilya ng  mga  binibihag ng  bandidong grupong Abu Sayyaf  kung magbayad  ang mga ito  ng ransom sa kabila ng pinaiiral na no ransom policy ng pamahalaan.

Ayon kay Senator Gringo Honasan natural lang na gawin ng pamil­ya ang lahat ng paraan masiguro lang ang kaligtasan ng kanilang mahal sa buhay.

Ang dapat aniyang gawin  ng ating mga awtoridad ay pag-ibayuhin  ang koordinasyon at ang  pangangalap ng intelligence information para tumaas ang kumpiyansa sa kanila ng pamilya ng mga nagiging biktima ng bandidong grupo.

Pero iginiit ni Ho­nasan na  ang pinaka solusyon pa rin  sa pro­blemang ito ay sugpuin  ang insidente ng kidnapping for ransom at mapigilan na ma­ging livelihood ito ng Abu Sa­yaff.

Dapat din  aniyang gawin ng ating mga awtoridad ang lahat ng paraan para walang sinumang makidnap dayuhan man ito o kapwa natin Pilipino.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Senator Francis “Chiz” Escudero na dapat gawin ng ating gobyerno at ng mga awtoridad ang lahat ng paraan  para  matapos na ang pamamayagpag at paghahasik ng lagim ng  Abu Sayaff.

 

Show comments