MANILA, Philippines - Nanawagan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga magsasaka at mamimili ng palay at mais na huwag gamiting bilaran ang mga lansangan upang maiwasan ang mga aksidente.
Ayon sa DPWH, tuÂwing sumasapit ang tag-araw karaniwan ng umaani ng palay at mais ang mga taga-Northern Luzon kung saan kadalasan namang ginagawang bilaran ng mga palay at mais ang kalsada.
Pinaliwanag ni DPÂWH Secretary Rogelio L. Singson, pinalawak nila ang mga kalsada para sa mas mabilis at maayos na daloy ng mga sasakyan at hindi bilaran ng palay o anumang butil gaya ng mais.
Kabilang sa mga pinalawak na lansangan ng DPWH ay ang McArthur Highway o ang Manila North Road patungong Ilocos Region; Cagayan Valley Road papuntang Nueva Ecija, Nueva Vizcaya at Isabela; ang Manila South Road o ang Daang Maharlika patungong Bicol at iba pang pambansang kalsada.
Gayunman, napuna ng DPWH na sinasamantala ng mga magsasaka ang mainit na panahon upang patuyuin ang kanilang mga inaning palay o mais at nilalagyan pa ng bakod ang mga daraanan.
Ayon pa sa kalihim, maging ang mga tricycles at motorsiklo ay gumagamit na lamang ng center lanes ng mga pinalawak na pambansang kalsada na nagpapahirap sa daloy ng mga sasakyan lalo na sa gabi.