Mall sa Antipolo ‘perwisyo’ sa mga deboto

MANILA, Philippines - ‘Perwisyo’ umano sa mga deboto ng Our Lady of Peace and Good Vo­yage at sa mga turista ang ipinatayong Victory Mall sa Antipolo City.

Sa isang pahayag, sinabi ni Monsignor Rigoberto de Guzman, kura paroko ng Katedral na labis siyang nalulungkot sa pagkonti ng mga nagpupuntang deboto sa simbahan dahil sa usad pagong na daloy ng trapiko mula ng maitayo ang Victory Mall sa Antipolo City.

Ayon Fr. De Guzman, noong una pa lamang ay tinututulan na niya ang pagtatayo ng Mall malapit sa simbahan dahil labag ito sa local zo­ning code pero ginamit umano ni Antipolo City Mayor Nilo Leybe ang kanyang ‘impluwensiya’ kaya tuluyang naitayo ang nasabing mall malapit sa simbahan.

Sinabi ni Fr. De Guzman, noong buhay pa si Mayor Victor Sumulong ay ‘multi-level parking’ ang planong itayo sa lugar na kanyang sinusuportahan pero nabago ang plano at ginawang Mall nang si Leybe na ang umupong Alkalde sa Antipolo City.

Maging ang mga tra­vel agency sa Antipolo ay nabubuysit na rin dahil sa paghina at pagkonti ng mga bumibisitang bedoto ng Birheng Maria sa Antipolo City bunsod  ng masikip na daloy ng trapiko mula ng itayo ang Victory Mall sa nasabing lugar.

 

Show comments