6 Pang skin whiteners ipinagbawal ng FDA

MANILA, Philippines - Nagpalabas ng advisory sa publiko ang Food and Drugs  Administration (FDA) sa panibagong 6 na produkto ng skin whitening creams na may taglay na nakalalasong mercury na mapanganib sa kalusugan.

Alinsunod sa DOH-FDA Advisory 2012-018-A  na inisyu noong Marso 14, pinalawig pa ang listahan ng mga ipinagbabawal na mercury-containing skin white­ning products, na mula sa 71 noong Nobyembre 2012 ay ginawang 77.

Ayon sa FDA, kabilang sa mga nadagdag sa listahan ng banned cosmetics ay ang Fruit & Lovely Quickac­ting Whitener & Speckle Remover Package, Yudantang Green Olive and Papaya Natural Essence 6 Days Specific Eliminating Freckle Whitening Sun Block Cream, Spring Return Ginseng and Pearl Natural Pure Plants Whitening Cream, Natural Orange Whitening and Anti-Aging Package, TVC Spot Remover at  Yoko Whitening Cream with SPF-15.

Kasabay nito, nagbabala si FDA Director Kenneth Hartigan-Go sa publiko na mapanganib sa kalusugan ang mga naturang skin whitening creams dahil sa taglay nitong mercury.

Nabatid na ang mercury ay mapanganib sa kalusugan dahil maaari itong maging sanhi nang pagkawala ng normal resistance ng balat laban sa bacterial at fungal infections.

Maaari rin umanong maisalin ang mercury ng mga buntis na gagamit nito, sa kanilang fetus, na malaunan ay maaaring magresulta sa mga bata ng neurodevelopment deficits.

Show comments