Tsinelas may epekto sa utak ng mga bata
MANILA, Philippines - Sinisira umano ang utak ng mga bata sa paggamit nila ng plastic na tsinelas, kaya hinihiling ng isang mambabatas sa Department of Trade and Industry (DTI) na kumpiskahin ang mga ito na ibinibenta sa mga bangketa.
Ayon kay Gabriela party list Rep. Luzviminda Ilagan, ang nasabing mga plastic na tsinelas ay nagtataglay ng Poly Vinyl Chloride (PVC) na makakapinsala sa utak ng mga batang may edad 12 anyos pababa.
Ang nasabing mga tsinelas ay binibenta ng mura sa mga discount shops at sa bangketa lalo na sa Maynila.
Nauna na rin nagbabala ang EcoWaste Coalition’s Task Force on Chemical Safety sa mga magulang dahil lumalabas sa kanilang pag aaral na nagtataglay ito ng brain-damaging chemicals ang 18 sa 25 pares ng PVC unlabelled plastic at rubber slippers na isinailalim nila sa chemical analysis gamit ang X-Ray Fluorescence (XRF) device.
Ang 18 samples ay nakitaan ng mataas na lebel ng lead na lumampas sa 90 parts per million (ppm) limit ng US Consumer Product Safety Improvement Act (CPSIA).
Kadalasang mabili ang nasabing mga tsinelas dahil nagtataglay ito ng mga design ng mga kilalang cartoon characters tulad ng Ben 10, Snow White at Spiderman na maaari lamang mabili sa halagang P20 hanggang P65 mula sa mga vendors na nakapwesto sa Lacson Underpass sa Quiapo, Rizal Ave., sa Sta. Cruz, Recto Ave. sa Divisoria, M. Roxas St., sa Sta. Ana, at Pedro Gil St., Sa Ermita Maynila.
- Latest