MANILA, Philippines - Tutulungan ng Public Attorney’s Office (PAO) ang mga tagasuporta ni Sultan Jamalul Kiram III na nahaharap sa patung-patong na kaso sa Tawi-Tawi sa pagkakasangkot sa standoff sa Sabah.
Ayon sa PAO, sumulat ang anak na babae ni Sultan Kiram na si Princess Carolyn T. Kiram ng Kasanyangan Village sa Jolo, Sulu kay PAO chief Persida Rueda-Acosta upang humingi ng legal assistance para sa kanilang mga tagasuporta na nahaharap sa kasong illegal possesion of firearms at inciting to war, at sa mga evacuees na nakaranas ng lupit ng mga Malaysian security forces na nagsasagawa ng crackdown laban sa Sulu Royal Army na pinamumunuan ni Rajah Muda Kiram, kapatid ng Sultan.
Sa liham ni Princess Carolyn kay Acosta na may petsang Marso 13, hiniling nito na mabigyan ng mga abogado ang kanilang mga supporters at evacuees na nakaranas ng pagmamaltrato ng Malaysian police.
Nakikipag-ugnayan na ang PAO sa DFA at Department of Justice hinggil sa mga kahilingan ng mga evacuees kabilang na ang pagbibigay ng travel documents sa mga naiwang kaanak ng mga evacuees na pinag-aaresto ng Malaysian police at military dahil sa kawalan ng pasaporte at iba pang dokumento sa Sabah.
Ang sulat ni Princess Carolyn ay ipinadala rin kay Pangulong Aquino at sa Provincial Crisis Management Committee sa Bongao, Tawi-Tawi.