MANILA, Philippines - Kinondena rin ni United Nationalist Alliance (UNA) senatorial candidate at San Juan City Rep. JV Ejercito Estrada ang pagtanggi ng University of the Philippines-Manila na pahintulutang magpatuloy sa pag-aaral ang isa sa mahihirap nitong estudyante na hindi makabayad ng matrikula nito.
Nagpahayag din si Ejercito Estrada ng pagkagimbal at pagkadismaya nang mabalitaan niya na maaaring isa ito sa mga dahilan kaya nagpakamatay ang estudyanteng si Kristel Tejada, freshman ng UP-Manila.
Sinabi ng kabataang mambabatas na dapat ibasura ng administrasyon ng UP ang patakaran nito sa force leave of absence at no late payment dahil diskriminasyon ito laban sa maralitang mga estudyante.
“Bilang isang state university na merong napakalaking bahagi sa taunang badyet para sa mga state universities and colleges (SUC), hindi dapat isara ng UP ang pinto nito sa mahihirap pero karapatdapat na mga estudyante,†sabi pa ni Ejercito Estrada.
Ito anya ang dahilan kaya ipinupursige niya ang isang Magna Carta for the Students’ Rights and Welfare. Ang panukalang isinampa niya noong panahon ng 15th Congress ay kumikilala sa karapatan sa edukasyon ng bawat kabatang Pilipino dahil parurusahan nito ang mga eskuwelahang nagsasara ng pinto sa mahihirap na estudyante.
Hinihikayat din ng kongresista ang dagdag sa taunang badyet ng SUCs para mas maraming mahihirap pero karapatdapat na estudyante ang magkaroon ng may kalidad na edukasyon.
Sinabi pa ni Ejercito Estrada na ang kaso ng UP Manila student ay dapat magpakilos sa mga mambabatas at opisyal para maiwasang mangyari ito muli at umaksyon kung paano makakatapos ng pag-aaral ang mahihirap pero karapat dapat na estudyante.
Ayon naman kay re-electionist Sen. Francis Escudero, dapat magkaroon ng imbestigasyon sa UP system upang matukoy kung sapat pa ang serbisyo ng pamantasan sa ating mga mahihirap na kababayan.
“The recent suicide at UP Manila of 16-year old Kristel Tejada puts the spotlight on the high cost of education in state schools and that college education and on the fact that state education is getting to be beyond the reach of ordinary Filipino families,†paliwanag pa ni Escudero.
Kaugnay nito, bilang bahagi ng pakikidalamhati sa pagkamatay ni Kristel, dineklarang “Day of Mourning†ngayong araw, Marso 18, 2013 sa lahat ng sangay ng UP kasabay na rin ang panawagan na magkaroon ng sobriety. (Malou Escudero/Rudy Andal/Doris Borja)