27-taon nang naglilingkod

MANILA, Philippines - Sa nakaraang mga taon, nagsumikap ang Pilipino Star NGA­YON na makabahagi ng makatotohanan at walang kinikilingang mga ulat kaugnay sa mga nangyayari sa bansa gayundin sa ibayong dagat, at matagumpay naman itong naipatupad. Thank heaven!

Naka-27 taon nang napatunayan ang ta­tag at pagpupursige ng pahayagang Pilipino Star NGAYON na maipagpatuloy ang adhikaing makapaglingkod sa mamama­yan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga impormasyon, at iba pang makabuluhang bagay.

Katulad ng ibang mga larangan, ma­raming mga pagsubok din ang pinagdaanan ng Pilipino Star NGAYON ngunit sa sama-sama at tulung-tulong na pakikibaka ng lahat ng mga opisyal at mga kawani nito ay tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay nito ng serbisyo-publiko.

Parang kailan lamang nagsimula at nalagas ang mga dahon ng panahon, at sa isang iglap ay nasa ika-27 taon na pala ang Pilipino Star NGAYON.

“Thank heaven its 27.” Salamat sa Pa­nginoon at umabot na pala ang pahayagang ito ng kung ilang taon nang hindi napapansin.

Hindi napapansin ang paglipas ng mga taon dahil subsob ang bawat isa sa pagsusumikap na makapaglaan ng makabuluhang mga ulat at mga impormasyon sa bawa’t mamamayan, mayaman man o mahirap, bata man o matanda.

Thank heaven sa pagbibigay ng gabay at pagpapala sa paha­yagang Pilipino Star NGAYON at sana ay umabot pa ng panibagong 27 taon sa pagli­lingkod sa bayan.

Karapat-dapat na magawaran ng pagpupuri at pagsaludo ang lahat ng bumubuo ng pahayagang ito, partikular na ang mga patnugot ng kanya-kanyang pahina, proof readers, typesetters, reporters, correspon­dents at sa mga kawani hanggang sa matataas na mga opisyal na inilaan ang kanilang panahon at talino para sa pagtatag at pagpapanatili ng pahayagang ito. Mabuhay ang Pilipino Star Ngayon!

 

Show comments