Sabah, kanino nga ba talaga?

Isa sa malaking istorya ng taon na pumutok sa Department of Foreign Affairs ang isyu ng Sabah.

Malaking katanu­ngan sa mga mamamayang Pilipino na walang alam sa kasaysayan ng mga pinag-aagawang teritoryo kung kanino ba talaga ang Sabah o Borneo island na ngayo’y inuupahan lamang umano ng Malaysia sa Sulta­nate of Sulu na sinasabi namang siyang tunay na nagmamay-ari ng nasabing teritoryo.


Kasalukuyang nakikipagbakbakan ang Sulu Royal Army ni Sultan Jamalul Kiram na pinangungunahan ng kanyang kapatid na si Rajah Muda Agbimuddin Kiram sa tropa ng Malaysian Police at military upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa pagmamay-ari nito sa Sabah.


Nagtungo ang grupo ni Rajah Muda sa Lahad Datu kasama ang may 235 na Pinoy Muslim upang tahimik na manirahan, ayon na rin kay Sultan Kiram noong Pebrero 9.


Hindi nalingid sa kaalaman ng Malaysian authorities ang pagkilos ng Royal Army ni Sultan Kiram kaya agad na kinordon ang Lahad Datu kung saan nagtungo ang mga tagasuporta ni Kiram.

May 30 sa Royal Army ay armado at may bitbit na bolo.

Gayunman, sinabi ni Sultan Kiram na walang planong maghasik ng karahasan ang grupo ni Rajah Muda sa kanilang pagtungo sa Lahad Datu dahil karapatan umano nila na manatili at matahimik na mamuhay doon dahil sa pag-aari nila ang nasabing lupa.


Sinasabi ni Sultan Kiram na pag-aari ng Sultanate of Sulu ang Sabah at sa katunayan ay umuupa lamang at nagbaba­yad ang Malaysia sa kanila ng …ringgit na ipinadadaan sa Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur.


Iginiit naman ng Malaysian government na matagal nang nasa teritoryo nila ang Sabah at handa umano nilang depensahan ito laban sa mga mananakop o intruders ng kanilang bansa.


Ngayon ay halos umaabot na sa 70 katao ang napapaslang at karamihan ay mula sa hanay ng grupo ni Rajah Muda at mga sibil­yang napag-iinitan at naapektuhan sa labanan.

Tuluy-tuloy din ang pagdagsa ng mga Pinoy na nagsisili­kas na karamihan sa kanila ay matagal nang naninirahan sa Sabah. 


Sa pagtaya ng Department of Foreign Affairs, umaabot sa 800,000 Pinoy na karamihan ay undo­cumented ang nasa Sabah.


Sa kasaysayan na halaw ng All Sabah, noong 15th century, ang Sabah kasama ang Sarawak ay nagsisilbing mga “vassals” o nagbibigay ng proteksyon sa Sultan ng Brunei.

Dahil dito, noong 1658 ay ibinigay ng Sultan ng Brunei sa Sultan ng Sulu ang northeast coast ng Borneo bilang gantimpala sa pagtulong nito upang maiayos ang matinding civil war sa pagitan nina Sultan Abdul Mubin at Pengeran Bongsu. 


Nabatid na nagkaroon naman ng kasunduan noong 1761 sa pagitan ng opisyal ng British East India Company sa Madras, India na si Alexander Dalrymple at sa Sultan ng Sulu na nagbibigay pahintulot sa Sultan na maglagay siya ng trading post sa North Borneo region.

Pinili ng Sultan ang Pulau Balambangan o Balambangan island na matatagpuan sa northern tip ng Sabah na pinangalanang “Felicia” subalit ito ay inabandona noong Nobyembre 1805 matapos ang umano’y ilang beses na pagtatangka na gawing pantalan.

Hanggang sa gawin ito ng British na Labuan, isang isla na matatagpuan sa northwest ng Borneo.


Noong Disyembre 18, 1846, isang treaty o kasunduan ang nilagdaan kung saan ang Sultan ng Brunei ay ipinamahala nito ang Labuan at sa maliliit na isla nito sa British Crown.

Subalit tulad ng Balambangan island, ang Labuan ay nabigo na maging isang port o pantalan. 


Noong 1890, ang Labuan ay inilagay sa ilalim ng control ng British North Borneo Chartered Company.

Matapos ang 17 taon, ang nasabing isla ay inalagay naman sa ilalim ng Go­vernment of the Straits Settlements.


Matapos ang World War II, ang Labuan island ay naging bahagi ng kolonya ng North Borneo. At kasama ng North Boroneo ay naging State sa ilalim ng Federation of Malaysia noong Setyembre 16,1963.

Hanggang sa noong Abril 16, 1984, ang Labuan ay iprinoklama o idineklarang Federal Territory of Malaysia.


At dahil sa pagkadismaya sa La­buan, ang British government ay pan­samantalang nawalan ng interes sa North Borneo hanggang sa noong 1881, ang private owned British North Borneo Chartered Company ay nagsimulang pamahalaan ang naturang estado at pinangalanang British North Borneo.


Kasama ang Sa­rawak, Singapore at Malaya, (Malaysia) ay pormal na itinatag noong Setyembre 16, 1963.

Ang pangalan ng North Borneo ay pinalitan at naging Sabah.


Dahil sa sinasabi ng kasaysayan, daan taon man ang lumipas ay naninindigan ang Kiram clan na pag-aari nila ang Sabah at ipagpapa­tuloy umano nila na ipaglaban ito kahit magbuwis pa sila ng buhay upang ipaglaban ang dignidad ng Sultanate of Sulu at hindi sa pansariling interes.

Show comments