Parangal ng Gawad Tanglaw

MANILA, Philippines - Mula sa napakaraming mga pahayagang Filipino sa bansa, napili ang Pilipino Star NGAYON bilang “Newspaper of the Year” ng Gawad Tanglaw sa kategoryang sining ng pagsusulat sa media.

Bagama’t hindi natanggap ang imbitasyon ng Gawad Tanglaw na ipinadala sa e-mail address (psngayon@philstar.net.ph) noong Pebrero 16, 2013 ay pinaunlakan naman ng co-Chairman ng Gawad Tanglaw, Dr. Romeo Flaviano Lirio ang mga patnugot na personal namang nagtungo sa tanggapan ni Rev. Fr. Honorato C. Castigador, O.P., Rektor at Pangulo ng Colegio de San Juan de Letran Calamba upang masilayan at tanggapin ang tropeo, medalyon at ang citation bilang Newspaper of the Year noong Miyerkules ng umaga (Marso 13).

Bukod sa Pilipino Star NGAYON, ginawaran din ng parangal ang ibang mga pahayagan, television stations, at radio stations sa iba’t ibang kategorya na ginanap sa entablado ng Bartolome delas Casas sa Colegio de San Juan de Letran, Calamba City, Laguna noong gabi ng Marso 7, 2013.

Bago pa man lumutang ang PSN bilang newspaper of the year ay apat na Filipino newspapers ang nakasalang na pinagpilian ng mga batikan at beteranong hurado mula sa iba’t ibang pamosong unibersidad sa Mertro Manila at karatig lalawigan.

Napili na parangalan ang Pilipino Star ­NGAYON sa mga kadahilanang:

1. Gumagamit ito ng mga salitang madaling maunawaan ng masang intelihente;

 2. Tama ang inyong sinasabi na disente ang PSN;

 3. Sapat ang kaalaman ng mga kolumnista sa mga paksang kanilang tinatalakay o binibigyan ng opinyon (masasabing maingat at mapanuri sa paglalahad ng opinyon);

 4. Nagbibigay ng pangkalahatang analisis ang editoryal tungkol sa napapanahong isyu;

 5. Nakaaaliw ang LITRA TALK;

 6. Hindi nabawasan o naalis ang tunay na kaan­yuan at teksto na nais ipahatid sa mga mambabasa ng mga balita kahit na pinaikli ang mga ito;

 7. Timplado ang SHOWBIZ NGAYON (hindi nagpapahuli sa mga isyu na kinalulugdan naman ng mga mambabasa);

 8. Kinapapalooban ng mga artikulo at iba pang lathalain na kinakitaan na pinag-isipan at sinuri muna bago ipinalimbag; at

 9. Marami pang iba na maa­ring kahalintulad sa ibang pahayagan ngunit kaiba naman sa uri ng presentasyon.

Gayon pa man, ilan sa mga hurado ang hindi sumang-ayon sa ibang salita na ginagamit tulad ng tepok, todas, dedo at utas ay hindi kaaya-aya sa  pandinig ng wikang Pinoy.

Ikinatwiran naman ng isa sa mga hurado na ang mga nasabing salita ay katanggap-tanggap na sa modernong panahon na sinang-ayunan naman ng iba pang hurado na ang Pilipino Star NGAYON ay karapat-dapat na ma­ging newspaper of the year.

Siyam sa maraming katangian ng PSN na pinagbata­yan ng Gawad Tanglaw kaya napili mula sa napakaraming newspaper sa bansa.

May mga ibang katangian ang PSN na pang Gawad Tanglaw lamang at hindi maaaring isapubliko.

Balik-tanaw sa kasaysayan ng Gawad Tanglaw

Ang Gawad Tanglaw (Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw) ay parangal na iginagawad sa movie ­artists at filmmakers sa kanilang ipinakitang kagalingan sa pelikula at iba pang sining.

Ang nasabing award-giving body ay binubuo ng mga kritiko, scholars, historians, at professors sa iba’t ibang eskuwelahan. May Masteral o Docto­rate degree ang bawat kasapi upang maging kapani-paniwala ang kanilang pagpili sa pagbibigay ng parangal.

Napagkaisahan din ng mga akademik mula sa iba’t ibang eskuwelahan na magbigay ng parangal sa iba pang uri ng sining na may kaugnayan sa kultura.

Ang kahilingang ito ay hindi mapahindian kaya sa pangunguna ni Dr. Jaime Ang, naitatag ang Gawad Tanglaw sa Sining at Kultura. Bukod sa film arts, idInagdag ang sining ng television, radyo, print, at teatro.

Naganap ang unang pulong ng Gawad Tanglaw sa Wesleyan College of Manila noong Pebrero 1, 2003 dahil sa suporta ni Dr. Florita Miranda. Sa WCM ang unang naging opisina ng nasabing samahan na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission.

Kabilang sa mga miyembro ng pambansang lupon ng Gawad Tanglaw ay sina Dr. Romeo Flaviano I. Lirio, PhD, tagapagtatag tagapangulong emiritus, Colegio de San Juan de Letran-Calamba; Dr. Jaime G. Ang, PhD, tagapangulo at kaalinsabay pangulo emiritus, Phil. Women’s University Manila; Norman Mauro A. Llaguno, pangulo, BA, Laguna BelAir School; Teresita C. Bagalso, MA, University of Perpetual Help System Dalta; Noel Roy C. Agustin, MA, Jesse Bethel High School Vallejo, California, USA, panlabas na tagapag-ugnay; Ma. Consuelo B. Rivera, BA Phil. Women’s University–Manila, kalihim na tagapagpaganap; Merlinda U. Oreta, Ed.D district supervisor, Victoria, Laguna.

Kabilang naman sa mga bumubuo ng lupon ng mga patnugot ng Gawad Tanglaw ay sina Osario M. Cantos, Ed.D; Debbie F. Dianco, MA; Rowena G. Morta, Ed.D; Mario S. Miclat, Ed.D; Alfredo D. Trinidad, MA; Lourdees Aguilar, MA; Gregorio L. Samar, MA; Leticia M. Barwel, Ed.D; at si Chelo S. Castro.

Ang parangal ay iginagawad sa mga artista at director ng mga pelikula na para sa general ­patronage.

Pinararangalan din ng Gawad Tanglaw ang kalalakihan at kababaihan na kapuri-puri sa kanilang naiambag sa Philippine cinema.

Layunin din ng Gawad Tanglaw na parangalan ang mga pelikulang lokal na tumatalakay sa magandang imahe ng pamilyang Pilipino, kasaysayan, kultura, pananampalataya, pagpapahalaga sa kapaligiran, kagandahang asal, at iba pang kaugaliang Pinoy.

MABUHAY!  MARAMING SALAMAT SA INYONG LAHAT! Masasaya, puno ng pagpapahalaga kayong kaharap at kausap. More power to PSN sa ika-27 taong anibersaryo. Ipagpapatuloy ang pagsisilbi ng DIYAR­YONG DISENTE NG MASANG INTELIHENTE, ang kaisa-isang PILIPINO STAR NGAYON.

 

Show comments