Raja Muda nasa Malaysia pa

MANILA, Philippines - Propaganda lamang umano ang pahayag ng gobyerno ng Malaysia na inabandona na ni Datu Raja Muja Agbimuddin Kiram ang Sulu Royal Army at tumakas sa ‘all out assault operation’ ng Malaysian security forces sa Lahad Datu, Sabah. 

Sa phone interview, sinabi ni Habib Hashim, Chairman ng MNLF Islamic Council sa Minda­nao, walang katotohanan ang pahayag ni Malaysian Armed Forces Chief Tan Sri Jeneral Zukifeli Mohd Zin nitong Biyernes ng gabi na tinakasan na ni Raja Muda ang Sulu Royal Army at bumalik na ito sa kaniyang tahanan sa Pilipinas.

Ayon kay Hashim, nasa Malaysia pa ang kanilang Datu at nagtatago lang doon.

“Hindi siya makita ng Malaysian security forces, he continues to evade their strike operations,”sabi ni Hashim.

Si Raja Muda ay kapatid ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III at namuno sa may 200 armadong tauhan na umokupa sa Lahad Datu na umano’y lupaing minana pa nila sa kanilang mga ninuno.

“It’s a do or die, he (Datu Kiram) will not abandon his men, death is welcome to a mujahidden and it’s already a victory,” ani Hashim.

Ayon kay Hashim, ipinalalabas ang balita ng Malaysia upang bumaba ang moral ng Sulu Royal Army at mga sympathizers ni Datu Kiram.

Sa katunayan aniya ay mahigit 1,000 fighters ng MNLF at mga sympathizers ang nakalusot sa kordon ng Philippine Navy at nagtungo sa Sabah upang mag-reinforce sa mga tauhan ni Datu Kiram.

Bunsod nito, nakiki­pag-koordinasyon na ang Malaysian authorities sa pamahalaan hinggil sa impormasyon na posibleng nakalabas sa kordon ng Malaysian forces si Raja Muda kasunod na rin ng pagkakapuslit ng mga miyembro ng Royal Army sa Sabah patungong Tawi-Tawi.

Nagpadala na ang kampo ni Sultan Kiram ng legal team upang ayudahan ang kanilang mga tagasuporta na nasampahan ng kaso sa Tawi-Tawi. 

Sinabi ng tagapagsalita ng Sultanate of Sulu na si Abraham Idjirani na may 22 lamang sa nasabing bilang na nakasuhan ang mi­yembro ng kanilang Royal Army. (Joy Cantos/Ellen Fernando)

 

Show comments