MANILA, Philippines - Inutos na kahapon ni PNP Chief P/Director General Alan Purisima ang pagpapalakas ng seguridad ng pulisya sa nalalapit na Semana Santa at summer vacation sa buong bansa.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr. nakahanda na ngayon ang kanilang mga units para magbigay ng seguridad sa mga destinasyon ng mga turista, terminals, paliparan, daungan, istasyon ng tren at iba pang matataong lugar.
Bukod sa May 2013 polls, tututukan ng mga awtoridad ang pagdaraos ng Semana Santa, piyestahan, flores de mayo at iba pang mga aktibidad na mag-uumpisa sa huling linggo ng Marso hanggang sa pagtatapos ng Mayo ng taong ito.
“Such events are expected to generate numerous commuters and tourists who will travel to their respective provinces and tourist destinations and these may cause peace and order concerns including traffic congestions, accidents and other crimesâ€, pahayag ng PNP Spokesman.
Partikular na inalerto ni Purisima sa lahat ng mga regional Directors at Police units sa kapuluan na inatasan ring makipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs), Non Government Organization at iba pang government entities upang mas mapabilis ang paglalatag ng seguridad.
Samantalang maglalagay din ng mga Police Assistance Desk o centers at road safety marshalls sa mga matataong lugar ang PNP gayundin paiigtingin ang seguridad sa mga beach resorts na dinarayo ng mga turista.
Layon ng nasabing hakbang na mapigilan ang pambibiktima ng mga kriminal na posibleng samantalahin ang pagdagsa ng mga tao sa panahon ng Semana Santa at mahabang bakasyon.