MANILA, Philippines - Sinisi ni Senate President Pro Tempore Sen. Jinggoy Estrada si Agriculture Sec. Proceso Alcala dahil sa umano’y pagbibigay ng pondo sa mga pekeng non-government organization (NGO).
Sinabi ni Estrada, nagtiwala siya sa DA na totoong NGO ang pinaglaanan niya ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) matapos umanong magbigay ng sertipikasyon ang tanggapan ni Sec. Alcala.
Inamin ni Estrada na nagagalit siya dahil hindi pala nakarating sa mga magsasaka ang pondo na dapat gamitin sa kanilang pagsasaka.
Lumabas sa isang report ng Commission on Audit (COA) na ang tatlong senador na kinabibilangan ni Estrada, Senate President Juan Ponce Enrile at Sen. Ramon Bong Revilla Jr., ay naglaan ng pondo na umaabot sa P195 milyon sa mga kuwestiyonableng NGO noong 2011.
Kasama rin umano sa naglaan ng pondo sa pekeng NGO si dating Buhay party-list Rep. Rene Velarde na umabot sa P206 milyon.
Pinagpapaliwanag ngayon ng tatlong senador si Sec. Alcala kung paano nakalusot ang kuwestiyonableng NGO na Pangkabuhayan Foundation Inc. (PFI).