Edad, hitsura huwag gawing basehan sa pagkuha ng aplikante

MANILA, Philippines - Umapela kahapon si dating Senator  Richard J. Gordon sa mga kumpanya na gawing basehan ang edukasyon at abilidad sa pagpili ng mga manggagawa at huwag ang edad at anyo ng aplikante.

Ayon kay Gordon, da­pat nang wakasan ang diskriminasyon sa mga aplikanteng may edad  na o kaya ay hindi pasok sa kanilang panlasa pagda­ting sa pisikal na kaanyuan.

“Pag matanda ba kayo, tatlumpung-taong gulang pataas, madali ba kayong makakuha ng trabaho? Hindi dahil kayo ay over-aged…Tapos kapag pinakita niyo ang inyong litrato – bungal, pag pinakita nyo ang litrato nyo – pangit, kukunin ba kayo? Ang mga mahihirap hindi makakuha ng trabaho,” ani Gordon.

Mahalaga aniyang ting­nan ng mga employer ay ang sipag, kakayahan at dangal ng manggagawa.

Anya, ang dapat na men­talidad ng mga emplo­yer ay “wala akong pakia­lam kung pangit ka o matanda ka. Wala akong pakialam kung ilang taon ka na.”

Naniniwala si Gordon na dapat pa ring isulong sa Kongreso ang pagpasa ng “equal opportunity law” na sisigurong hindi na lang basta-basta mababasura ang aplikasyon sa trabaho ng isang manggagawa dahil siya ay mahirap, pangit o kaya ay may edad na.

Show comments