MANILA, Philippines - Patay ang isang 37-anyos na tripulanteng Pilipino matapos na pagtatagain ng kanyang umano’y kasamahang Pinoy sa loob ng sinasakyan nilang barko sa Colombo, Sri Lanka.
Kinumpirma ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez ang pagkasawi ng Pinoy seaman na hindi pa tinukoy ang pagkakakilanlan.

Gayunman, sa ulat ng Sri Lankan news online nakilala ang biktima sa pangalang Prebin Magalons Boniu.
 Lumalabas na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at kapwa Pinoy seaman habang nasa loob ng isang Taiwanese ship bago ang pananaga.

Sinabi ni Hernandez na may 9 na Pinoy seamen na kasamahan ng biktima ang nasa kustodya ngayon ng Sri Lankan Police at sumasailalim sa imbestigasyon.

Nagbigay na umano ng ‘translator’ ang Sri Lankan Police upang magkaintindahan sa kanilang sinumÂpaang salaysay.
 Isa sa 9 na Pinoy ay ang suspect sa pagpatay sa biktima habang ang walo ay nagsisilbi umanong testigo sa insidente.
Nagtungo na ang mga kinatawan ng Embahada ng Pilipinas sa Colombo sa lugar at binibigyan ng assistance o ayuda ang mga nasabing Pinoy.