MANILA, Philippines - Isang American national ang naharang palabas ng Pilipinas matapos arestuhin ito ng mga tauhan ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Ruffy Biazon matapos makita sa x-ray machine na ang dala nitong bag ay naglalaman ng ilang pirasong bala ng caliber .40 pistol habang nasa departure area ito ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Sabado sa Pasay City.
Sa report na natanggap ni Biazon, kinilala ang suspect na si David Alexander Delevan, 28, tubong New Hampshire at pansamantalang nanunuluyan sa Room 36-O Belton Place, panulukan ng Pasong Tamo at Yakal Streets, Makati City.
Nakumpiska sa dayuhang suspect ang pitong piraso ng mga bala ng calibre .40 pistol at isang snap cap na ginagamit sa dry firing.
Ayon sa report, naganap ang insidente dakong alas-12:34 ng tanghali sa Build-Up One, bandang bahagi ng departure area ng terminal 2 ng NAIA.
Patungo sana ang suspect sa Pudong, Shanghai, China at habang nagsasagawa ng inspection ang mga tauhan ni Biazon sa mga bagahe ng mga pasahero ay nakita sa x-ray machine ang bag ni Delevan na may kahina-hinalang laman.
Nang pabuksan sa suspect ang bag para berepikahin ay nakita ng mga bala ng naturang kalibre ng baril.
Agad na dinakip ang suspect at sinampahan ng kasong paglabag sa R.A. 8294 o illegal possession of ammunition sa Pasay City Prosecutors Office.