MANILA, Philippines - Magandang balita nga ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas pero hindi naman ito maramdaman ng maraÂming mamamayan lalo na ng may 20 milyong Pilipinong nagugutom araw-araw.
Ito ang reaksyon ni United Nationalist Alliance (UNA) senatorial candidate at Cagayan Rep. Jack Enrile sa target ng pamahalaan na 6-7 porsiyento sa gross domestic product ng Pilipinas. Hindi anya maramdaman ng mga maralitang Pilipino ang sinasabing pag-unlad ng ekonomiya dahil sa mahal na mga bilihin at serbisyo sa bansa.
“Maaaring sa papel lang ang paglago ng ekonomiya lalo na sa agrikultura maliban na lang kung magsasagawa ng mga paraan para matiyak na mapapakain ng mga slum-dweller sa lunsod at ng mga farm worker sa mga lalawigan ang kani-kanilang pamilya nang tatlong beses sa isang maghapon,†dagdag pa ni Enrile na isa sa prayoridad sa kanyang adyenda kung sakaling maupo sa Senado ang tinatawag na soberanya sa pagkain.
Pinuna pa ng mambabatas ang mataas na unemployment rate at malnutrisyon partikular sa mga bata na lalong nagpapalayo sa economic growth ng bansa at sa mababang kalidad ng pamumuhay ng maraming Pilipino.
Si Enrile ang may akda ng House Bill (HB) 4626 o ang tinatawag na Food for Filipinos Act na tututok sa pagkakaroon ng national food requirement plan na magtuturo at magde-develop ng kakayahan ng isang rehiyon o probinsya sa bansa na mag-produce ng pagkain.