MANILA, Philippines - Pinawalang-bisa ng Court of Appeals ang desisyon ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB na nagpapataw ng suspensyon at multang P100,000 laban sa programa ng magkakapatid na Tulfo sa TV5.
Sa 39-pahinang desisyon na may petsang Marso 7, 2013, sa panulat ni Associate Justice Rosmari Carandang, kinatigan ng CA Former 6th Division ang petisyon ng TV5 at isinantabi ang MTRCB decision dahil sa pagiging unwarranted o walang batayan.
Nag-ugat ang kaso nang magbitiw ng maaanghang na salita at magbanta sina Erwin, Raffy at Ben Tulfo sa kanilang programa laban sa mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto nuong Mayo 7, 2012 kaugnay ng kinasangkutang gulo ng mga ito at ng kanilang kapatid na si Ramon sa Ninoy Aquino International Airport.
Tinukoy ng CA na masyadong malupit ang tatlong buwang suspensyon na ipinataw ng MTRCB lalo pa’t wala namang indikasyon na dati nang naparusahan ang programa. Maihahalintulad din umano ang desisyon ng MTRCB sa single-strike policy na maaring lumikha ng oppresive environment sa broadcast media.
Kusa na rin umanong sinuspinde ng TV5 ang mga host ng programa kaya naniniwala umano ang korte na naging masyadong mabigat ang naging hakbang ng MTRCB dahil tila hindi nito kinunsidera ang self-regulation ng himpilan. Nabigo rin umano ang MTRCB na ipaliwanag sa kanilang desisyon kung bakit kinakailaÂngang tatlong buwan ang ipataw na suspensyon laban sa programa.