MANILA, Philippines - Magkakasunod na sumugod sa Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur ang grupo ng mga Malaysians at nagsagawa ng kilos-protesta dahil sa nagaganap na bakbakan sa pagitan ng tropa ni Sultan Jamalul Kiram III at Malaysian troops sa Sabah.
Sa report ng Phl Embassy sa Kuala Lumpur, unang dumagsa sa harap ng Embahada noong Marso 7 ang may 40 Malaysians na miyembro United Malays National Organization (UMNO) pero iginiit na hindi sila kontra sa Philippine government kundi sa grupo ni Sultan Jamalul Kiram.
Nais ng Malaysian protesters na ma-extradite si Kiram sa kanilang bansa at doon makasuhan at hatulan sa mga kasalanan sa mga Malaysians.
Kahapon ng umaga, dumating din sa Embahada ang iba’t ibang non-governmental organizations bitbit ang letter of protest at tahimik na nag-rally at bandang hapon ay grupo ng mga Malaysians na tinawag na Ops Bunga (Operation Flower) bitbit ang mga bulaklak na inilagay sa harap ng Embahada upang ipakita umano na ang Malaysia ay isang matahimik na bansa at umaasa sila na magkakasundo ang kanilang bansa at Pilipinas.
Sinabi naman ni Ambassador Eduardo Malaya, tuloy pa rin ang kanilang trabaho at bukas sila sa pagseserbisyo sa publiko.
Nagdagdag na rin sila ng seguridad upang tiyakin ang kaligtasan ng mga Embassy personnel mula sa mga galit na Malaysians. (Ellen Fernando)