Paglaya ng 21 Pinoy naudlot
MANILA, Philippines - Naudlot ang pagpapalaya sa 21 sundalong Pinoy peacekeepers matapos na sa huling sandali ay manindigan ang Syrian rebels na hindi nila pakakawalan ang mga bihag hanggat hindi ibinibigay ang kanilang demand.
Sa press briefing kahapon, sinabi ni Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez na nakatakda sanang palayain kahapon ng madaling araw ang 21 Pinoy ng United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF) pagkatapos ng 24-oras na deadline, subalit hindi natuloy matapos sabihin ng mga rebelde na kailangan munang mag-pullout ang military forces ni Syrian President Bashar Hafez al-Assad sa Al Jamla village sa Daraa na hawak ng mga rebelde at pinipilit na makubkob ng tropa ni al-Assad.
Tiniyak naman ng DFA na nasa maayos na kalagayan ang mga Pinoy at tinatrato ng maganda ng mga rebelde.
Kahapon ay ipinalabas ang isang video kung saan makikita ang mga bihag na Pinoy na nakaupo suot ang kani-kanilang uniporme at naka-bullet proof vest at magkakasama sa isang kuwarto. Ilan sa kanila ay nagbibigay ng mensahe.
Sinabi ni Hernandez na patuloy na nakikipag-ugnayan ang DFA sa UN, US, UK, France at Germany upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga Pinoy hostages.
Ang 21 Pinoy contingent ay hinarang ng mga rebelde habang lulan ng tatlong marked vehicle ng UN sa isang lugar sa border ng Syria kung saan magdedeliver lamang sana ng food supply ang mga biktima bukod pa sa naatasan silang mag-obserba sa kaganapan ng ceasefire sa pagitan ng Syria at Israel noong Miyerkules. (Ellen Fernando/Joy Cantos)
- Latest