Pero Malaysia tumanggi, ceasefire sa Sabah idineklara

MANILA, Philippines -  Nagdeklara kahapon si Sulu Sultan Jamalul Kiram III ng “unilateral ceasefire” upang matigil ang pagdanak ng dugo sa Sabah ngunit iginiit na mananatili doon ang kanyang mga tauhan na miyembro ng Sulu Royal Forces.

Sinabi ni Abraham Idjirani, tagapagsalita ng Sultan, na epektibo ang tigil-putukan dakong alas-12:30 kahapon ng tanghali. Nangangahulugan ito na hindi na aatake sa Malaysian Forces ang kapatid ni Kiram na si Raja Muda Agbimuddin Kiram.

Umaasa naman umano ang Sultan na susunod rin dito ang pamahalaan ng Malaysia na magdeklara rin ng sariling ceasefire upang hindi na lumala pa ang karahasan.

Sinabi ni Raja Muda na kinunsidera ng Sultan na hindi maikukumpara ang nakamit nila sa Sabah sa kahalagahan ng mga buhay na nasa sa tinawag nilang “March 1 Friday massacre”.

Tugon rin umano ito ng Sultan sa panawagan ni United Nations Secretary-General Ban Ki-Moon na wakasan na ang karahasan sa Sabah. Pinahahalagahan umano nila ang pahayag ng UN na palagi na nilang katalastasan sa loob ng mahabang panahon ukol sa pag-angkin nila sa Sabah. Umaasa sila na pahahalagahan rin ng Malaysia ang panawagan ng UN.

Tinanggihan naman ni Malaysian Prime Minister ang alok na unilateral ceasefire ni Sultan Kiram.

Iginiit ni Malaysian Prime Minister Najib Razak na tatalima sila sa panawagan ng UN kung susuko ang Sulu Royal army sa pamumuno ni Rajah Muda at isusuko rin nila ang kanilang mga armas.

Bilang reaskyon ng Sultanate, nagdeklara bandang alas-4:40 ng hapon kahapon si Sultan Kiram ng “cessation of hostility” kasunod nang hindi pagtanggap ng Malaysian government sa kanilang unang pahayag na “unilateral ceasefire” .

Sinabi ni Idjirani na ang “cessation of hostility” ay nangangahulugan na kapag umatake ang Malaysian composite forces sa tropa ni Rajah Muda ay walang magagawa ang mga ito kundi gumanti ng putok.

Nilinaw ni Idjirani na tumatalima sila sa pa­nawagan ng UN at lumilitaw ngayon na ang Malaysia ang nagbabasura o bumalewala sa atas ng UN Security Council na idaan sa mapayapang pag-uusap ng magkabilang-panig ang nagaganap na tensyon sa Sabah.

Sa kabila nito, iginiit ni Idjirani na hindi lilisan sa Sabah ang kanilang mga kasamahan at mananatili sa “defensive position” para ipagtanggol ang kanilang buhay.

Samantala, naghigpit ng seguridad ang pamil­ya Kiram sa kanilang taha­nan sa Maharlika Village sa Taguig City makaraang tatlong lalaki na sinasabing mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang madiskubreng nakikihalo sa mga tauhan ng media kamakalawa.

Tinuligsa ng pamilya ang umano’y pagmamanman sa kanila sa kabila na wala pa namang naisasampang anumang kaso laban sa kanila.

Tumanggi rin ang pamilya Kiram na aminin na inalok nila ang mga taga-Tawi-Tawi na magtungo ng Sabah kapalit ng US$600. Sinabi ni Kiram na pinakamahirap na “Sultanate” sa buong mundo ang kanilang pamilya at wala silang kakayahan na magbayad ng malaking halaga.

 

Show comments