MANILA, Philippines - Binalot ng tensyon ang pamosong isla ng Boracay makaraang magbarilan ang 13 sekyu mula sa dalawang security agency nang magkainitan sa isyu ng pinaga-agawang lupain sa Barangay Yapak sa Malay, Aklan kahapon ng umaga.
Sa panayam, sinabi ni P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., bandang alas-11:40 ng umaga ng makatanggap ng tawag sa telepono mula sa opisyal ng pamahalaan ng Malay na si Boyet Maguindanao ang Boracay Special Tourist Police Office hinggil sa barilan ng 13 miyembro ng dalawang security agency.
Agad namang rumesponde ang BSTPO sa pamumuno ni P/Senior Insp. Cabural sa Sitio Balinghail, Brgy. Yapak, Boracay Island.
Nagmistulang ‘wild wild west’ ang lugar nang magkainitan ang mga miyembro ng Appa Security Agency at Golden Eye Security Agency sa hangganan ng pinag-aagawang lupain.
Tumagal ng 30-minuto ang barilan kung saan wala namang nasugatan sa magkabilang panig bagaman lumikha ito ng alarm and scandal sa pagpapanik ng mga turista.
Nag-ugat ang barilan matapos na maglagay ng bakod ang claimant sa pinag-aagawang lupa na nagresulta sa barilan.
Napayapa lamang ang tensyon ng dumating ang mga operatiba ng pulisya na dinisarmahan at inaresto ang 13 sekyu.