MANILA, Philippines - Inilunsad ng Supreme Council ng Royal Sultanate ng Sulu ang piso campaign bilang pagsuporta sa planong peaceful people power na isasagawa sa buong Mindanao.
Sa isang press conference sa Quezon City, sinabi ni Hadji Nur Hassan, Pangulo ng Supreme Council ng Royal Sultanate ng Sulu, ang mapayapang people power ang siyang solusyon upang matigil na ang Sabah standoff at upang wala ng buhay pang masasayang.
Sinabi ni Hassan, ayaw niyang humantong sa isang holy war ang Sabah standoff, kayat dadaanin nila ang usapin sa isang peaceful people power na susuportahan ng anumang halaga na maiipon nila sa Piso campaign
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Oliver Lozano, legal counsel ng Supreme Council, wala na silang nakikitang ibang solusyon sa problema sa Sabah kundi ang peaceful people power lalo na ngayong wala ng pag-asang kampihan pa ng Pangulong Noynoy Aquino ang pamilyang Kiram sa kanilang ipinaglalaban.
Kasabay nito isang sulat ang ipadadala ng grupo kay Pangulong Aquino sa pamamagitan ni DOJ Secretary Leila de Lima na naglalaman ng mga kahilingang tulad ng agarang tulong sa mga pamilya ng Royal Army na napatay sa Sabah.
Magsagawa ng consultative meeting upang pag-usapan ang gulo sa Sabah, dapat sulatan ng Pangulong Aquino ang Malaysian government para ipatupad ang due process of law, dapat ng tigilan ng mga cabinet member ng Pangulo ang pagbibitiw ng masasakit na salita laban sa Kiram family, dapat respetuhin ang claim ng Kiram family kaugnay sa Sabah at ang huli ay dapat na suportahan ng gobyerno ang back door negotiation upang mapabilis ang pagresolba sa nagaganap na sigalot sa bahagi ng Sabah sa kasalukuyan.