MANILA, Philippines - Aprub na ang ikalawang indelible ink na isinalang sa Commission on Elections (Comelec) matapos hindi mabura sa isinagawang pagsusuri kahapon.
Kasabay nito, dinis-qualify na rin kahapon ng Comelec ang lowest bidder na naunang isinalang sa Comelec testing nang mapatunayang nabubura at hindi ito pumasa sa quality standard ng nasabing ahensiya.
Dahil dito, isinalang naman sa pagsusuri kahapon ang indelible ink ng ikalawang lowest bidder na ASA Color and Top Best Printing na nagpakita ng impresibong reaksiyon mula sa mga nakasaki.
Ayon kay Tina Zamora, pinuno ng Technical Working Group ng Comelec, ipinadala na nila ang “notice of post disqualification†sa Centurian and Jedaric Inc. dahil sa sablay na indelible ink nito.
Isinailalim sa pagsusuri noong nakalipas na Martes ang indelible ink ng Centurian and Jedaric Inc. ngunit nang subukan ito sa 14 katao, kabilang na ang Bombo Radyo reporter na si Jeofrey Cagape, ay nabura ito dahilan para i-disqualify agad sila ng Comelec.
Isinalang naman ang ikalawang pinakamababang bidder na ASA Color at Top Best Printing kahapon ng umaga at nagpakita ito ng positibong tugon sa mga nakasaksi sa pagsusuri.
Umabot sa 12 volunteers ang nilagyan ng tinta sa kanilang hintuturo at kahit lagyan o burahin ng tubig, sabon, brake fluid, gasolina, engine oil, diesel, bleaching solution, acetone, kamias, alcohol, lacquer thinner at ascorbic acid, hindi ito nabura at pasado sa Comelec standard.
Ayon kay Dr. Arwin Serrano ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), hindi dapat makompromiso ang kuwalidad ng ink dahil lamang sa murang halaga, lalo’t mahalaga ito sa nalalapit na halalan.
Sinabi ni dating solicitor general Frank Chavez, abogado ng ASA Color and Top Best Printing, walang duda na pasado ang kanilang kumpanya na malaking bagay para makatulong sa pagpigil sa posibleng dayaan na magaganap sa May 13 elections. May 52 million botante ang bansa.
Ang Centurian and Jedaric Printing ay may bid price na P68 million habang ang ASA Color at Top Best Printing ay may bid naman na P73 million.