Soup no. 7 ng China na gawa sa fetus, nasa Pinas

MANILA, Philippines - Pinaalalahan ni Phi­lippine Medical Association (PMA) Vice President Dr. Leo Olarte ang publiko laban sa pagkain ng soup number 7 na umano’y gawa sa fetus.

Ayon kay Olarte, nakakarating na sa Pilipinas ang soup no. 7 mula China at ibinebenta sa mga ilegal na tindahan.

Mayroon anya itong stem cell mula sa aborted fetus na itinuturing na aphrodisiac o pampa­lakas ng libido.

“Itong soup number 7 po ay merong stem cell daw na pampalakas sa ating libido, sa ating sexual activity... Stem cell daw ito na nanggagaling sa mga aborted fetus na galing sa China.”

“Ito’y nakalagay sa parang gamot [tableta] na ihahalo sa mainit na tubig para magiging sabaw,” ani Olarte

Giit ni Olarte, bukod sa kontrabando ang soup no. 7 ay pekeng gamot din ito o walang bisa.

“Kontrabando po ito, walang rehistro sa Bureau of Food and Drugs (BFAD) at bawal na bawal ito. Ito’y mga fake at misrepresentations lamang,” dagdag ni Olarte.

Kaya panawagan ng PMA sa publiko, huwag magpaloko sa mga nag-aalok ng stem cell therapy galing sa fetus o kaya’y sa hayop o halaman, bagkus ay lumapit sa mga lisensyadong doktor.

 

Show comments